Isang makulimlim at mahangin na umaga ang bumati sa akin pagkarating ko sa Subic madaling araw ng Linggo. Bihirang naidadaos ang standard distance triathlon sa atin kaya di ko na pinalampas ang karerang ito (sa katunayan, wala naman talaga akong pinapalampas na karera) 🙂 Nakakapanibago din na Enero pa lang ay may karera na. Nakakatuwang makita ang higit 100 na katao na sumali, ibig sabihin lang ay patok na patok itong isport natin na triathlon 🙂 Bagama’t 6am ang takdang oras ng simula, alam kong hindi ito masusunod dahil kapag Enero pasikat pa lang ang araw sa oras na yun.
Langoy – 29:16
Napagitna ako sa magkapatid na Ifurung sa simula. Nakakatuwa din dahil riot talaga itong si Edward sa kanyang mga hirit. Sumali din si Matthieu O’Halloran ng TBB. Walang gustong tumabi sa kanya dahil sa totoo lang, wala naman ang makakakapit sa kanya mula sa grupo 🙂 Nauna mga babae sa amin at pagsapit ng bandang 6:45, nagsimula na rin ang pagdurusa naming mga kalalakihan. Ang tulin talaga ni Matthieu dahil wala pang sampung segundo ay ang layo na niya sa grupo. Para sa akin naman, langoy lang hanggang sa lumuwag ang paligid at makakuha ng tamang ritmo bawat hagod. Low tide sa umaga kaya kahit may kalayuan na sa beach ay nakikita ko pa rin ang ilalim. Malaking tulong ito sa akin na sa kaliwa kung huminga kada stroke. Hindi ko kasi nakikita ang buoy kaya ang mga corals at halaman sa ilalim ang nagsilbing giya sa akin kung diretso pa ang aking langoy. Medyo nangangati na rin ako katagalan dahil sa mga tama ng maliliit na jellyfish. Pero ayos lang, wala dapat iniinda ang tunay na triathlete 🙂 Matapos ang unang loop, tumingin ako sa relo na nagsasabing 14:40. Sa pangalawang loop, may nakasabay akong grupo at sumunod na lang ako sa mga bula nila hanggang sa matapos. Sinabi sa akin ni Jojo Lontok na kasabayan namin sina Abe, Kirk, Bombee at Meyo na umahon. Masaya na rin ako dahil kilala kong malalakas pa sa akin sa swim ang grupong ito. Galing sa bakasyon, siguro easy-easy lang sila kaya nagkasabay kami. Si Meyo naman, ang LAKI ang naimprove sa swim. Magandang pangitain ito para sa Langkawi IM niya 🙂
T1 – 1:33
Maginaw pagkaahon mula sa swim. Di pa rin sumisikat ang araw at medyo mahangin. BRRRR!!!!
Padyak – 1:14:24
Noong simula, sinabi ng mga organizers sa 4 na loop ang gagawin pero binago nila ito sa mga huling sandali at ang gagawin na lamang ay 2 loop na may konting ahon. Ikinatuwa ko ito para di naman sayang ang pagpunta sa Subic. Ano ba naman ang karera sa Subic kung walang ahon di ba? Pagkalabas pa lang ng transition, may maikling ahon na kaagad hanggang sa turnaround pagkalampas ng guard house (yung guard house bago ang mas matitinding ahon papuntang ocean adventure). Tapos ang susunod na turnaround ay doon sa Petron Station. Pabalik pa lang sa airport, nilagpasan ako ni August. Naku po, malaki ang kanyang bubunuing oras para mahabol ang mga lider lalo na standard distance lang ito. Mahirap talaga ang mahuli.
Maayos naman padyak ko, sinubukan kong manatili sa mga bandang 85-90 rpm. Hindi ako tumayo kahit sa mga munting ahon. Ayaw ko kasi mauubusan at para may manatiling lakas para sa takbo. Makulimlim pa rin sa mga oras na ito, hindi mainit. Pero mahangin. Nilagpasan ako ni TJ nung 2nd loop pagkaikot mula sa guard house. Naisin ko man kumapit sa kanya, di ko magawa dahil ang tulin ng patakbo niya. At siyempre, kailangan ko pa ayusin ang takbo ko, doon talaga ako nag-aalala. Napansin ko din pala na walang grasa ang kadena nung sinakay ko siya kahapon. Tila nalimutan ata matapos ng bike wash. Kaya pala siya maingay habang sinasakyan ko. Mga 39.6 ang buong distansya, 31.9 km/hr average speed.
T2 – 0:53
Malaking tulong na di kasing dami ng Subit ang mga kumarera kaya madaling hanapin ang pwesto ko. Malapit sa sa exit ng transition papuntang takbo. Maswerte lang talaga 🙂
Takbo – 49:48
Totoo ba ito? Tama ba iyan? Ang pinakaaasam-asam ko na sub-50 off the bike ay nakamit ko na? Kung tatanungin mo ang TRAP, ang sasabihin nila ay hindi dahil ayon sa opisyal na resulta, 50:36 ang oras ko. Atin-atin lang ha, tutal wala naman nagbabasa ng blog na ito……sinama kasi nila ang oras sa transition 2 doon sa oras ng takbo 🙂 Maayos ang pakiramdam ko matapos ang padyak. Makulimlim pa rin ang panahon kaya nakatulong ito. Ang ruta ng takbo ay katulad din ng ruta sa Larrazabal triathlon noong nakaraang taon. Ang kaibahan lang imbis na mainit, malamig at mahangin ang ruta ngayon. Kaya dapat samantalahin ang magandang panahon di ba? 3 loops ang takbo, papuntang All Hands Beach tapos pabalik. Inorasan ko ang unang punta ko sa All Hands, 8:35. May kabagalan. Nakatulong na bahagyang mas mabilis ang pabalik sa Dungaree Beach kumpara papuntang All Hands. Kung tama ang naalala ko, nakuha ko ng 8:05 ang pabalik. Kaya ganun na rin ang naging ritmo kada loop. Matapos ang unang loop, nilagpasan ako ni Meyo. Ang ganda niya tingnan habang tumatakbo. Sana balang araw, ganun na rin ako tumakbo 🙂
Kalagitnaan ng takbo, tiningan ko ang relo: 24:50. Naku po, mukhang magiging malapit ito. Mabigat na rin ang bawat hingal ko sa mga oras na ito, pero tulad ng sabi sa akin ni Kots Jojo, yung mabigat at mabilis na hingal na di ka makapagsalita….di na naman magbabago yun. Ani niya, hanggang doon na lang ang hingal at hindi magiging mas mabigat o mas mabilis. Ang susi talaga ay sino ang makakatiis ng ganoong hingal ng mas matagal. Pagdating sa huling loop umabot ako sa All Hands turnaround na pumapalo na ng 42++ minuto sa relo ko. Sa abot ng aking makakaya, sinubukan ko pang paspasan ang takbo ko. Mabuti na lang talaga maganda ang panahon at puwede kong laktawan ang ilang water station para magfocus lang sa takbo. At sa awa ng Diyos, umabot na rin ako sa finish line at pagkapindot ng relo ay laking tuwa ko na natupad na rin ang matagal ko ng pangarap na maka-sub 50 sa 10k “off the bike”. Gusto ko na magretiro dahil palagay ko di na mauulit ito 🙂
Para sa buong karera, ang oras ko ay 2:35:55 sa relo ko. Masaya ako dahil malaki nabawas sa dati kong oras na 2:49:04 sa parehong distansya. Pero mulat naman ako na mas madali ang ruta ng bike dito at mas maganda ang panahon. Ganun pa man, mananatili pa rin ang hamon na pagandahin pa rin ang oras na ito pagdating ng Subit sa Mayo. Siguro pagdating sa takbo, dapat itarget ko naman ang 48 para lang bigyan ng allowance ang transition 2 para sub-50 ang lalabas sa opisyal na resulta 🙂
Maraming Salamat sa TRAP para sa maayos at tagumpay na karera kahapon. Malaking tulong talaga ang pagsasara ng kalahating kalsada para sa siklista. Sa panahon na maraming nagrereklamo kung paano idinadaos ang mga karera sa takbuhan, nakakatuwa na makakaasa ka sa TRAP na magiging maayos ang kanilang karera.
Sunod na karera: Condura Marathon.
Tagay naman diyan!!! 🙂