Happy Hour

January 6, 2010

2010

Filed under: Uncategorized — levyang @ 4:48 am

Bagong taon.  Panahon din para magbalik-tanaw sa taong nakalipas.  Tulad ng nabanggit ko sa huling post, umikot ang ensayo ko noong taong 2009 para sa paghahanda sa Camsur 70.3 at WRT.  Kakaiba din ang training dahil noon lang ako nakaranas na pumalo ng 3k sa swim training.  Mainipin din akong tao kaya laking tuwa ko din na nakaabot na rin ako ng 100k sa bisikleta.  Pagdating naman sa takbuhan, una ko rin naranasan na tumakbo ng 2 oras kada linggo.  Masarap din pala kumarera o mag-ensayo nang mahabaan dahil nakakapagmuni-muni ako pampalipas oras🙂

Dahil sa nabuong mileage mula sa nagdaang taon, eto ngayon, naglakas-loob ako na mag-register para sa Condura Marathon na gaganapin ngayong February 7.  Sa training pa lang, alam kong di biro ang lintik na distansyang ito.  Sabi ng marami, mahalaga sa paghahanda para sa marathon ang mga “long run” na aabot ng 3 oras mahigit o 30k.  Sa tanang buhay ko, hanggang 25k lang ang pinakamalayong distansya na natakbo ko.  Ito yung New Balance run sa Clark noong 2008.

Noong ika-27 ng Disyembre 2009, unang beses kong tumakbo ng 30k.  Masakit nga siya sa binti. Pero nakarecover naman ako makalipas ng 2 araw, kung kaya’t nangahas akong sumali sa Rizal Day Run ni Bald Runner sa Camp Aguinaldo.  Marahil di na kayo magugulat sa nangyari sa akin sa unang 5k pa lang ng takbo.  Sumakit ang kaliwang tuhod ko.  Pero pinilit ko pa rin tapusin ang karera dahil ang buong akala ko ang sakit ay dahil lamang sa sugat doon din sa kaliwang tuhod.  Dagdag pa, sabi ko sarili ko, konting yelo lang, gagaling din ang tuhod ko.  Pero pagdating ng bagong taon, masakit pa rin siya.

Tulad ng karamihan sa atin, mataas ang pagtingin ko kay Lance Armstrong.  Para kay Pareng Lance, di niya pinapalagpas ang Pasko o Bagong Taon pagdating sa ensayo.  Siyempre, gusto ko siyang tularan di ba?  Kaya, hala sige, kahit masakit pa ang tuhod ko, tinakbo ko pa rin siya ng isa’t kalahating oras noong unang araw ng taon.  Katangahan talaga dahil kahit ang pangit na ng “form” ko, pinilit ko pa rin tapusin ang 15k.  Ano sa tingin niyo, hinihingi ko talaga no?  Kaya ko lang naman siya ginawa dahil nagaalala ako na mawala ang pinaghirapang ‘fitness level’ kuno🙂  Matapos ang 2 30k run, maayos naman pakiramdam ko kung hingal ang pag-uusapan.  Yung sakit lang sa katawan ang kalaban.

Huwag magalala.  Di na ako tumakbo muli mula noong unang araw ng taon.  Itong mga nakaraang araw, langoy at padyak na lang ginagawa ko🙂  Awa ng Diyos, mukhang gumagaling na naman ang tuhod ko.  Bukas, baka itakbo ko na muli siya🙂  Tingin ko, mapalad pa rin ako dahil ngayon lang ako nakaranas ng injury sa kabila ng katangahan ko.  Ang ‘kagandahan’ sa nakadanas ng anumang injury, mas naaappreciate mo ang ang mga araw na nakakaensayo ka ng walang sakit o tama sa katawan.  At yun ang nararamdaman ko ngayon🙂

O, siya, andiyan ka pa ba?  Siguro nagulat ka na sa wikang Pilipino na itong blog ko.  Bakit, ‘kamo?  Wala lang, ayaw ko na kasing magpanggap at pahirapan pa ang sarili ko.  Nagiisip naman ako sa wikang Pilipino, dapat ganun din sa pagsulat di ba?  Tutal marami na namang blog diyan na nasa wikang Inggles.  Di lang naman yun ang pagbabago dito sa blog na ito.  Napansin ko din kasi na tila mga race report na lang ang laman ng mga post ko.  Ngayong bagong taon, susubukan ko din ibahagi naman ang mga ginagawa ko sa ensayo at ang ilang tips/aral na mapupulot ko diyan sa tabi-tabi🙂  Sana makatulong kahit papaano sa mga mambabasa diyan na nais magtampisaw sa mundo ng triathlon.

Hanggang sa uulitin….Cheers!!!

1 Comment »

  1. At dumugo ang ilong ko sa napakatatas mong pananagalog, Atty. Ang.😀

    Comment by Marga — January 6, 2010 @ 9:37 am | Reply


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Blog at WordPress.com.

%d bloggers like this: