Naalala ko noon, sinabi sa akin ni Philip (Foreign Runner), na kung gusto ko daw bumilis sa pagtakbo ay malaki ang maitutulong ng mga ‘intervals’. Maaari daw ako magsimula ng 200m intervals at pahaba ng pahaba kada linggo hanggang sa umabot ng 1.6k o one mile ang bawat interval. Apat na beses gagawin itong mga interval tapos ang pahinga ay kalahati ng distansya.
Kilala niyo naman ako, bukod sa pasaway, tamad din ako 🙂 Isang beses ko lang ginawa yang payo ni Philip na one-mile intervals tapos hindi ko na muling inulit. Ayaw ko talaga ng intervals. Sa totoo lang, nakakabagot siya. Marahil ito rin ang dahilan kung bakit di na ako gaanong nagpupunta ng track oval para mag-ensayo. Nahihilo lang ako kung paikot-ikot ang takbo 😦
Bilang kapalit, imbis na mga intervals sa track oval, tumatakbo na lang ako sa amin. May ruta akong nabuo na 10k, 12k o kaya 15k. Merong patag o kung nais ang konting challenge ay nakakaabot din ng McKinley Hills. Depende sa gising, namimili ako kung anong gagawin sa mga yon. Yan na ang ‘speedwork’ ko. Pinayuhan din ako nina Monica noon at sumang-ayon din naman si kaibigang Javy na malaki din daw maitutulong sa pagtakbo kung maglaan ako ng isang araw para sa ‘hill repeats’. Haaaayyyy. Ayan na naman ang katagang ‘repeats’……ibang salita pero ang ibig sabihin din ay ‘intervals’ di ba?
Bilang paghahanda noon sa WRT, ginagawa ko ang ‘hill repeats’ sa kalsada doon sa pagitan ng ULTRA at Valle Verde CC. Makunat ang ahon dito. May sukat na 400 metro mula sa baba. Nakakasunog ng baga dahil diretso ang ahon. Alam kong di ako magtatagal sa triathlon kung sa ULTRA ako mag-eensayo ng ‘hill repeats’.
Sabi nila, minsan may mga bagay na nasa harap mo na pero di mo lang napapansin. Ngayong umaga, natuklasan ko na yung tinatakbo kong 10k na ruta ay may magandang ‘hill’ pala. Kung ‘hill repeats’ ang pag-uusapan, puwede ngang ulit-ulitin dito. Mula sa ibaba hanggang gate, may distansya siya na 1.6k (one mile) 🙂 Ang maganda dito, hindi naman siya diretsong ahon tulad sa ULTRA. May mga ilang bahagi na patag…pero sandali lang yon, tapos ahon na uli. Sa katunayan, marami din akong nakikitang siklista na dito nag-eensayo ng kanilang ‘hill repeats’.
Unang ahon, di ko maikubli ang tuwa ko kaya kahit walang warm-up, sumugod ako. Siyempre, gitna pa lang, sunog na ang baga ko 🙂 Pero nakarating pa rin naman sa gate tapos pahinga ang pababa.
Pangalawang ahon, medyo nakukuha ko na ang ritmo at ang sigla sa bawat hakbang. Mas mabilis ng 2 segundo sa unang ahon.
Pangatlong ahon, may grupong tumatakbo kaya ginawa ko silang ‘target’ para hamunin ang sarili ko. Masuka-suka na ako nang naabutan ko sila bago dumating ng gate :O Pero natuwa ako dahil ito ang pinakamabilis na ‘interval’ sa ganoong distansya. Dinaig pa yung oras ko sa patag na daan noong unang kong ginawa itong ‘mile intervals 🙂 Sensya na, nakakatuwa lang malaman na kahit papaano ay nag-iimprove pa rin.
Pangapat na ahon, balik sa dating ritmo. Parehas ang oras doon sa unang ahon.
Marami ang nagsasabi na ang susi para lumakas sa triathlon ay ‘consistency’. Di ako nakaramdam ng bagot dahil unang beses ko lang naman ginawa ito. Pero sana malagpasan ko nga ang bagot at katamaran sakaling maramdaman ko siya sa mga susunod na linggo. Sana nga talaga magawa ko ito ng tuloy-tuloy kada linggo 🙂 Ang sarap kasi ng pakiramdam pagkatapos 🙂
Tagay naman diyan!!!! Good Luck doon sa mga tatakbo sa Century Superbods Run. Pakibati na lang si Derek Ramsey para sa akin.