Happy Hour

February 19, 2010

Bundok-bundokan

Filed under: Running,Training — levyang @ 3:13 am

Naalala ko noon, sinabi sa akin ni Philip (Foreign Runner), na kung gusto ko daw bumilis sa pagtakbo ay malaki ang maitutulong ng mga ‘intervals’.  Maaari daw ako magsimula ng 200m intervals at pahaba ng pahaba kada linggo hanggang sa umabot ng 1.6k o one mile ang bawat interval.  Apat na beses gagawin itong mga interval tapos ang pahinga ay kalahati ng distansya.

Kilala niyo naman ako, bukod sa pasaway, tamad din ako 🙂  Isang beses ko lang ginawa yang payo ni Philip na one-mile intervals tapos hindi ko na muling inulit.  Ayaw ko talaga ng intervals.  Sa totoo lang, nakakabagot siya.  Marahil ito rin ang dahilan kung bakit di na ako gaanong nagpupunta ng track oval para mag-ensayo.  Nahihilo lang ako kung paikot-ikot ang takbo 😦

Bilang kapalit, imbis na mga intervals sa track oval, tumatakbo na lang ako sa amin.  May ruta akong nabuo na 10k, 12k o kaya 15k.  Merong patag o kung nais ang konting challenge ay nakakaabot din ng McKinley Hills.  Depende sa gising, namimili ako kung anong gagawin sa mga yon.  Yan na ang ‘speedwork’ ko.  Pinayuhan din ako nina Monica noon at sumang-ayon din naman si kaibigang Javy na malaki din daw maitutulong sa pagtakbo kung maglaan ako ng isang araw para sa ‘hill repeats’. Haaaayyyy.  Ayan na naman ang katagang ‘repeats’……ibang salita pero ang ibig sabihin din ay ‘intervals’ di ba?

Bilang paghahanda noon sa WRT, ginagawa ko ang ‘hill repeats’ sa kalsada doon sa pagitan ng ULTRA at Valle Verde CC.  Makunat ang ahon dito.  May sukat na 400 metro mula sa baba.  Nakakasunog ng baga dahil diretso ang ahon.  Alam kong di ako magtatagal sa triathlon kung sa ULTRA ako mag-eensayo ng ‘hill repeats’.

Sabi nila, minsan may mga bagay na nasa harap mo na pero di mo lang napapansin.  Ngayong umaga, natuklasan ko na yung tinatakbo kong 10k na ruta ay may magandang ‘hill’ pala.  Kung ‘hill repeats’ ang pag-uusapan, puwede ngang ulit-ulitin dito.  Mula sa ibaba hanggang gate, may distansya siya na 1.6k (one mile) 🙂  Ang maganda dito, hindi naman siya diretsong ahon tulad sa ULTRA.  May mga ilang bahagi na patag…pero sandali lang yon, tapos ahon na uli.  Sa katunayan, marami din akong nakikitang siklista na dito nag-eensayo ng kanilang ‘hill repeats’.

Unang ahon, di ko maikubli ang tuwa ko kaya kahit walang warm-up, sumugod ako.  Siyempre, gitna pa lang, sunog na ang baga ko 🙂  Pero nakarating pa rin naman sa gate tapos pahinga ang pababa.

Pangalawang ahon, medyo nakukuha ko na ang ritmo at ang sigla sa bawat hakbang.  Mas mabilis ng 2 segundo sa unang ahon.

Pangatlong ahon, may grupong tumatakbo kaya ginawa ko silang ‘target’ para hamunin ang sarili ko.  Masuka-suka na ako nang naabutan ko sila bago dumating ng gate :O  Pero natuwa ako dahil ito ang pinakamabilis na ‘interval’ sa ganoong distansya.  Dinaig pa yung oras ko sa patag na daan noong unang kong ginawa itong ‘mile intervals 🙂  Sensya na, nakakatuwa lang malaman na kahit papaano ay nag-iimprove pa rin.

Pangapat na ahon, balik sa dating ritmo.  Parehas ang oras doon sa unang ahon.

Marami ang nagsasabi na ang susi para lumakas sa triathlon ay ‘consistency’.  Di ako nakaramdam ng bagot dahil unang beses ko lang naman ginawa ito.  Pero sana malagpasan ko nga ang bagot at katamaran sakaling maramdaman ko siya sa mga susunod na linggo.  Sana nga talaga magawa ko ito ng tuloy-tuloy kada linggo 🙂  Ang sarap kasi ng pakiramdam pagkatapos 🙂

Tagay naman diyan!!!!  Good Luck doon sa mga tatakbo sa Century Superbods Run.  Pakibati na lang si Derek Ramsey para sa akin.

February 15, 2010

Balik Triathlon, Balik Ensayo

Filed under: Training — levyang @ 4:42 am

Matapos ang unang maria sa Condura.  Nagpahinga lang ng saglit at di nagtagal, di na rin ako mapakali.  Hinahanap-hanap ng katawan ko ang paggalaw kaya noong guminhawa ng bahagya ang quads ko nakaraang Martes, pumunta ako sa spinning class sa Planet Infinity.  Isang oras lang naman at di na ako sumabay sa mabibigat na padyak ni Kots Jomak 🙂  Noong Miyerkules naman, lumangoy ako sa MASA at nakasabay ko si Jojo Lontok ng Sunkist Trihard.  Nakakatuwa ang kwento niya na balak nila ni Gerard na lumahok sa Hawaii 70.3.  Pangarap kasi ng bawat triathlete ang makasali sa Kona at doon sa Hawaii 70.3, kakarera sila sa ilang bahagi ng ruta doon sa Kona.  Ang galing di ba?

Noong Huwebes, indoor trainer naman ako.  Isang oras lang para bumalik muli ang sigla ng pagbibike 🙂  At noong Biyernes, track at swimming naman.  Tinuturuan muli ako ni Kots ng tamang porma sa pagtakbo – kulang kasi ako sa push-off na dapat manggaling sa calves at sa toes.  Ito, ani niya, ang dahilan kung bakit sumakit ang quads ko matapos ang marathon.  Sinubukan kong gawin ang turo niya.  Sana lang gumaganda-ganda naman ang porma ko sa mga susunod na linggo.  Medyo tight pa rin ang quads ko noong Biyernes kaya matapos ang ilang recovery rounds ay nagpahinga na rin ako.  Masayang makasama muli ang grupo na tumakbo sa Condura marathon na sina Ivy, Isa at Norman 🙂  Matapos ang training sa track, tumuloy muli ako sa MASA para lumangoy.   Noong Linggo naman, araw ng mga puso, siyempre sino pa makakasama ko?  Walang iba kundi mga “Brokeback Boys” na sina Julian at Norman para maglong run sa amin.  Buti naman at mukhang gumagaling na ang injury sa paa ni Julian kaya nakatapos siya ng 10k.

Miss ko lang kasi ang ensayong pang-triathlon kaya eto, di ko man lang pinalampas ang isang linggo at kayod na naman.  Itong Lunes, kakagaling ko lang ng Georgetown sa Marikina.  Nakakatuwang makita ang ilan sa Team PMI doon.  Nagpapaturo na lumangoy si Mike 🙂  Malaking bagay ito dahil na-trauma siya noon noong bata siya.  Andun din sina Jup at si Mama Rizz.  Nakita ko din si Meyo na nageensayo para sa Langkawi.  Ang LAKI ng inimprove niya sa swim.  Magandang pangitain para sa Langkawi 🙂  Sa akin naman, nagpapasalamat ako na tila aktibo na muli si Coach Joel na nagtuturo sa Georgetown.  Mapalad talaga ang maging bahagi ng Team PMI at may coach kami tulad nina Coach Joel at Coach Jomak.  Para sa isang teknikal na isport tulad ng triathlon, malaking bagay ang maturuan ng tamang teknik sa paglangoy, pagpadyak at pagtakbo.  Bago ako napasama sa Team PMI, isang taon din ang nasayang ko dahil sa “trial and error”.  Sa laki ba naman ng oras na ginugugol para sa ensayo, dapat siguraduhin na hindi nasasayang ang oras sa maling teknik di ba?

Kaya eto ako ngayon, pangatlong taon ko na na isport na ito pero ngayon lang muli nagpapaturo/nagpapatingin sa tamang teknik sa paglangoy.  Di kasi ako gumagamit ng sipa o sadyang mahina lang talaga ako sumipa 🙂  At siyempre kailangan din gamutin ang stroke.  Naaalala ko tuloy noong kumuha ako ng lessons sa Total Immersion kay Ria Mackay.  Balik drills ako kanina.  “Back to Basics” ika nga nila 🙂  Hanggang sa susunod mga kapatid…

Tagay naman diyan!!!!

February 8, 2010

Unang Maria

Filed under: Races — levyang @ 8:09 am

Ang Condura Run ay isa sa mga pinakaaabangang karera dito sa atin.  Naging matagumpay ang huling Condura Run noong 2009 dahil naranasan ng mga mananakbo ang tumakbo sa Skyway sa unang pagkakataon.  Para sa akin naman, matamis ang alaala ng Condura dahil dito ako naka-PR sa half marathon sa oras na 1:45:57 (salamat Jay Nacino, dahil siya talaga ang nagdala ng pace noong araw na iyon).  Ito ang dahilan kung kaya nagpalista agad ko noong nalaman ko na magbubukas sila ng 42K marathon sa Skyway 🙂

Sabi nila ang susi sa marathon ay nasa preparasyon.  Marahil nabasa niyo na ang ginawa kong preparasyon para dito.  Yung back-to-back 30K run noong Disyembre kaya sumakit ang tuhod ko.  Tapos huling hirit na 30K sa UP noong Enero.  Sa totoo lang, kinakabahan ako Condura Marathon dahil hindi ko alam kung sapat na ang paghahanda ko 😦  Sabi rin ng iba kung first time marathon, wag magtakda ng oras; bagkus, gawing learning experience ang karera para sa susunod na marathon. Siyempre, dahil pasaway ako, di ko maiwasan magtakda ng ‘goal time’ para sa karerang ito:  sub-4.

Tama ang hula ni Monica, di ako nakatulog noong gabi ng Pebrero 6, kung kaya’t ang aga ko nakarating sa Fort.  2:30 pa lang andun na ako sa aking favorite parking slot sa tabi ng ROX.  Maraming tao na din sa Fort sa mga oras na iyon:  mga lasheng galing Embassy at mga organizers ng Condura.  Di nagtagal, dumating na rin mga lalahok sa marathon.  Napagusapan namin ni Norman mag-pace.  Base sa naging karanasan ko sa Rizal Day Run, kinaya naman noon ang 5:30 pace para sa 30K kaya napagkasunduan namin na subukan ang pace na ito para sa buong marathon.  (Wala ako masabi, mayayabang talaga kami eh)

Bongga ang simula ng marathon.  May maikling programa: mga umiindak sa tunog ng “I Gotta Feeling” at fireworks pa.  At pagpatak ng 4am, sinumulan ko ng tahakin ang landas ng Unang Maria ko.  Tulad ng inaasahan pag kasabay si Stormin Norman, mabilis ang pace namin sa simula.  Umabot pa ata ng 5:10 sa unang 2 kilometro dahil sinusundan namin si Fiona na may Garmin.  Pagkaliko namin sa Bayani Road,  biglang nagdilim na talaga ang paligid.  Nahirapan kami ni Norman hanapin ang tamang pace.  Yung tipong komportable na pang matagalan.  Hindi nakatulong na wala kaming masilayan na kilometer markers kaya talagang literal na nangangapa kami sa dilim.  Nakuha namin ang unang 10k sa loob ng 52 minuto.  Pagbabayaran namin ito sa dulo ng karera 😦

Bagama’t may kabilisan nga ang pace namin, masasabi ko namang komportable siya.  Napakaraming aid station sa kalsada kaya nakuha ko pang lagpasan ang iilan dahil alam kong di magtatagal ay may susulpot na isa na namang aid station.  Nagbaon ako ng 3 GU gel para sa marathon.  Plano ko siyang kainin sa 15K, 25K at 35k bahagi ng karera.   Matapos ang isang oras sa daan, nakarating na rin kami sa Skyway.

Magandang tumakbo sa Skyway: walang building, walang kotse.  Ikaw lang at ang daan.  Sa bahaging ito ng karera, masasabi kong nakuha na namin ni Norman ang ritmo sa takbo.  Kaso nga lang, bandang mga 16K, naramdaman ko na unang kirot sa quads ko.  Hindi ko masabi kung ito ay dahil may mali sa takbo ko dahil dati rati naman nakakatapos ako ng 21k ng matiwasay.  Noong Rizal Day Run, maayos din naman ang pakiramdam ko noon maliban lang sa tuhod.  Pero ito naman ay sa quads.  Hmmmm.  Madilim pa rin ang paligid hanggang nakarating kami sa dulo ng Skyway sa Bicutan.  Pagkalampas ng 21K marker, ang oras namin ay 1:54.  Dito una ng pumasok sa isip ko ang pagdududa kung maabot ko nga ang goal ko na sub-4.  Oo, kailangan lang ng 2:05 para sa 2nd half pero sumasakit na ang quads.  Nakakahiya nga kay Norman dahil unti-unti na akong bumabagal.  Unti-unti na ring sumisikat ang araw na ok din naman dahil nakikita ko na rin ang paligid at ang kagandahan sa Skyway.

Pagkalampas ng toll booth, nakasalubong namin ang mga 21K runners at di nagtagal kinailangan namin humiwalay sa kanila para umahon sa NAIA interchange.  Di ko na nagawang umatake sa ahon dahil nga sa sakit na nararamdaman ko.  Pagpatak ng 30K, 2:43 na oras kaming tumatakbo.  Nagulat ako na mas mabilis pa ako ng 2 minuto sa Rizal Day Run.  Pero hanggang doon na lang talaga.  Sa madali’t salita, yun na ang last hurrah.  Sinabihan ko na si Norman na mauna na lang siya dahil di ko na kakayanin ang pace namin.  Pero dahil mabait si Norman, hindi niya ako iniwan.  Pagkababa namin mula sa Skyway, inalok pa ako ni Julian ng tabletas para ata tanggalin ang pagod.  Pero takot kasi sumubok ng bagong kakanin kaya inalok na lang niya ito kay Norman.  Bilib din ako kay Julian dahil ang sipag niyang sumuporta at kunan ng letrato ang mga kumakarera sa kabila ng kanyang injury sa paa 🙂

Pagbalik namin sa Buendia, pinatulan ko na rin ang liniment spray na inaalok nila doon sa Takbo.ph aid station.  Malaking tulong talaga ang aid station ng Takbo dahil bukod sa spray, nakahanda silang mag-cheer sa bawat mananakbo at namigay pa ng saging.  Nakakahiya nga at di man lang ako nagpasalamat.  Pasensya na dahil pero tinitiis ko na lang talaga ang sakit sa mga panahon na iyon.  Nagbigay ginhawa ang spray ng ilang minuto tapos bumalik na naman ang sakit.  Pero ngayon, parang may kutsilyo na sumasaksak sa quads ko.  Sabi ni Brett Sutton, dapat T.U.F.  (technique under fatigue).  Ani niya, sa mga oras na pagod na pagod ka dapat pa ring manatili ang technique.  Hindi puwede ang takbong tamad.  Pero lahat yan at mga turo ni Coach Jomak sa labas ng bintana.  Tapos, andiyan na ang Kalayaan flyover.

Baby steps na lang ako para lang makaahon sa flyover.  Marahil ito na ang sinasabi nilang Wall sa marathon.  Bagama’t sabi ng isip at baga ko na kaya pa, ayaw naman sumunod ng katawan.  Kahit sa ilang bahagi doon sa flyover na may downhill, di man lang ako makakuha ng momentum pababa para umayos-ayos naman ang takbo na tila mas lakad na sa mga oras na iyon.  Pagkababa mula sa flyover, nakita ko si Gerard na sinabayan ako ilang sandali.  Di ko rin nagawang magpasalamat sa kanya dahil gusto ko na talaga matapos ang karera at iyon lang ang nasa isip ko.  Kaso nga lang, iikot pa kami sa International School.  Sa mga sandaling iyon, medyo nauunawaan ko na ang naramdaman ni Hesus sa hardin ng Gethsemane.

Nakita ko ang 40km marker sabay tingin sa relo ko: 3:48.  Kaya pa sana ang sub-4 kung gawin ko muli ang pace namin ni Norman sa simula.  Sa totoo lang, sinubukan ko pa rin talaga tumakbo ng 5:30 pace.  Asa pa….wala na talaga.  Imbis na 5:30 at strong finish, 8:30 na lang ang pace ko sa huling 2 kilometro.  Maigi pa siguro kung naglakad na lang ako.  Pagkaliko sa 5th Avenue, andun si Gerard muling nakaabang para alalayan ako hanggang finish line.  “300 meters na lang” at ang mga katagang binitawan niya ang nagbigay lakas sa akin na magpanggap na malakas pa rin ako para tumakbo lampas ng finish line 🙂

Sa wakas, natapos na rin ang Unang Maria ko sa oras na 4:05:30.  Halong saya at lungkot ang nararamdaman ko ngayon.  (Oo nga pala, sakit din) Saya dahil sa suportang binigay ng mga kaibigan at kakilala sa karerang ito.  Alam niyo na kung sino kayo.  Lungkot hindi lang dahil sa di ko nakamit ang sub-4 pero yung di ko nagawang ayusin ang teknik sa pagtakbo.  Hindi naman sa dapat walang masakit pagkatapos ng marathon pero kung naging maayos ang porma sa takbo, ang sasakit lang dapat ay yung calf muscle di ba? Dahil ito ang ginagamit pang push-off.  Pero ako naman….quads.  Ano ito?  Di naman ako pumadyak.  Parang ginawa kong criterium race ang marathon.  Halos kapareho ito noong una akong sumali ng half-marathon sa Subic noong unang bahagi ng taong 2008.  Naalala ko sabi sa akin ni Coach Jomak noon, kaya masakit ang quads ko dahil nakaupo ako tumakbo.  So para akong nag-squat ng 2 oras kaya masakit.  Ngayon na 2010 na, pakiramdam ko tila walang nagbago sa akin.  Marahil takbong nakaupo pa rin kaya masakit ang quads 😦

Sa kabila ng lahat, mapalad pa rin ako sa pagkakataon na tumakbo at matuto mula sa karera kahapon.  Kung ang Condura 2009 ang nabigay sa akin ng PR sa half-marathon, ang Condura 2010 naman ang nagbigay ng leksyon sa akin na maging mapagkumbaba.  Huwag mangahas ng mga sub-4 na yan na hindi ko pa naayos ang tamang teknik at porma sa pagtakbo.  Pakiramdam ko ngayon ay hindi naiiba sa pakiramdam ko matapos ang Ironman 70.3 sa Camsur – noong may goal time ako na sub 6 pero natapos ako ng 6:11.

Pero kung may Camsur, nakabawi naman kahit papaano sa WRT 🙂

Ganun din dito.  Marami pang pagkakataon makabawi sa susunod na mga karera 🙂

Kailangan lang maging bukas, masipag at mapagkumbaba.

Tagay naman diyan!!!

Create a free website or blog at WordPress.com.